05 February 2011

cupcake and ice cream

Kung kailan ko naman napaganda ang aking blog at nilagyan ito ng kung anu-anong abubot, saka naman ako nawawalan ng maisulat na tula. 

Pakiramdam ko ngayon ay isa akong bumbilyang uti-unting nawawalan ng buhay. Na kalaunan ay mapupundi sa sobrang lungkot. Nakakatakot ang ganoong pakiramdam. Low power na ako. Humihina ang supply ng kuryente sa katawan ko kaya nauubos na ang lakas ko.

O kaya naman, isa akong araw na malapit nang lumubog sa horizon. Maganda tingnan ang paglubog ko sa panlabas na anyo, ngunit kapalit ng kagandahang iyon ay kalungkutan. Dahil unti-unting lalamunin ng gabi ang natitira kong liwanag. Hanggang sa tuluyang maglaho ang kulay ko at maging isang ala-ala na lamang ako ng panahong lumipas. Isang bagay na hindi na maibabalik pa.

Para din akong isang bituin na madalas tinitingala ng mga tao at sinasabihan ng wishes. Masarap ang pakiramdam na pinapansin ako ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana. Biglang naging maulap ang langit kaya hindi na nila ako nakikita kahit pa sila ay tumingala. Ang munti kong liwanag ay natabunan na ng makapal na ulap na nagsisilbing tabing sa mapait na katotohanan ng buhay.

Kung minsan naman ay isa akong buwan na madalas ikinakabit sa kahit anong kwentong mystical. Pabago-bago ang anyo kasabay ng pagbabago sa direksiyon ng mga alon. Ngunit kahit ilang beses ko mang baguhin ang aking anyo, may mga bagay pa rin akong binabalikan. Hindi ko pa rin mababago kung sino ang totoong ako deep inside. Kaya bumabalik pa rin ako sa pagiging full moon pagkatapos kong pagdaanan ang bawat phases.

Ilang beses man kitang pilit binubura sa sistema ko, ilang beses man akong nakakadama ng lungkot dahil wala akong naririnig mula sa'yo, bumabalik pa rin ang isip ko sa isang yugto ng aking buhay. Kung saan nangako ka na ako lang ang mamahalin mo. Pangakong hindi ko alam kung magkakaroon nga ba ng katuparan o mauuwi lang sa wala.

Ako ang bombilya at ikaw ang power supply. Ako ang papalubog na araw at ikaw ang gabi na magdidikta sa muli kong pagsikat. Ako ang bituing nababawasan ang kinang dahil sa mga ulap at ikaw ang nag-iisang nilalang na hinihintay kong mag-wish sa akin . Ako ang buwan na nagpupumilit baguhin ang direksiyon ng mga alon ngunit sa bandang huli ay bumabalik pa rin ako sa simula. Dahil may mga bagay pa ring hindi ko kayang baguhin.

Ngunit nakakapagod din ang ganito. Kaya sa halip na mag-iisip ako ng kung anu-ano, gugugulin ko na lamang ang oras ko para sa aking sarili. Pipiliin kong maging masaya para sa sarili ko dahil may mahalagang dahilan na ako ngayon upang patuloy na mabuhay. Kahit malayo ka. Kahit minsan ay hindi ako nakatitiyak kung nandiyan ka pa ba o mag-isa na lang akong nag-iilusyon para sa ating dalawa. Magiging masaya ako. Kahit hawak mo ang puso ko, ako pa rin ang magdidikta ng bawat ngiti ko. Isang cupcake at ice cream lang ang kailangan ko.


love,

No comments:

Post a Comment